Umapela si BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa Food and Drug Administration (FDA) na bigyan na agad ng Emergency Use Authorization (EUA) ang mga COVID-19 vaccines na aprubado ng mga health authorities ng ibang mga bansa.
Layunin ng panawagan ng kongresista na mapabilis ang pagbabakuna sa mga government personnel at lahat ng mga Pilipino.
Pinag-iisyu ng mambabatas ng EUA at certificate of product registration ang lahat ng mga bakuna na may mataas na efficacy results at nakakumpleto na ng Phase 3 clinical trials at aprubado ng FDA sa ibang bansa.
Partikular na pinag-iisyu ng EUA ang mga COVID-19 vaccine na dumaan na sa pagsusuri ng mga health authorities sa North America, Europe, Australia, Japan, South Korea, at Southeast Asia dahil sa maayos na track record pagdating sa sistema at pharmaceuticals.
Bukod dito, ang pag -iisyu rin ng certificate of product registrations ng mga non-China vaccines ay magbibigay daan para agad-agad ay mapabakunahan ng mga private sectors ang kanilang mga manggagawa gayundin ang mga constituents ng mga LGUs.
Para tiyak na mabilis din ang pagbabakuna sa bansa ay pinamamadali rin ni Co sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa Department of Finance (DOF) ang pag-iisyu ng mga kinakailangang permits at certificates ng mga vaccine makers at vaccine importers.