Hindi na itutuloy ng pamahalaan ang pagbawi ng sobrang COVID-19 vaccines na ipinadala sa mga probinsya.
Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na layunin ng pagbawi sa mga bakuna ay magdagdagan ang supply sa Metro Manila para mabakunahan ang iba pang community health workers.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., mahirap na itong gawin dahil kailangang maingat ang pagbiyahe sa mga bakuna.
Kakausapin ni Galvez si Duque para irekomendang gamitin ang AstraZeneca vaccines na unang inilaan bilang second dose sa mga nabakunahang health workers, bilang unang dose sa mga hindi pa nabakunahan.
Nasa 1.4 million doses ng Sinovac ang darating ngayong buwan at ito ang gagamitin sa mga hindi pa nabakunahan.
Una nang sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na malabo nang bawiin pa ang mga bakuna lalo sa mga malalayong lugar.