COVID-19 vaccines, walang live virus ayon sa vaccine experts panel

Nilinaw ng Department of Science and Technology (DOST) vaccine experts panel (VEP) na ang lahat ng available at ginagamit na COVID-19 vaccines sa bansa ay walang buhay na virus.

Ito ay matapos mag-trending ang isang video kung saan ipinapakita ang Pfizer COVID-19 vaccines ay nagkaroon ng viral shedding.

Ayon kay VEP Chairperson Dr. Nina Gloriani, walang sa mga bakunang inaprubahan sa bansa ang mayroong live virus.


Aniya ang viral shedding ay nangyayari kapag ang isang tao ay mayroong impeksyon.

Nangangahulugan lamang ito na ang dumadami ang virus at ang pagdami nito ay nagreresulta ito ng shedding.

“Ang viral shedding ay mangyayari kapag nagkaroon kayo ng infection so ibig sabihin nandun ang virus at nagmumultipy sya so yung pagdami nya yun yung magshed ka ng virus, that will happen pag mayroon kayong infection pero kung ang pinag-uusapan natin ang bakuna, itong mga bakuna against COVID-19 wala ditong buhay or even live attenuated o weakened virus na puwedeng magshed nung virus,” sabi ni Dr. Gloriani.

Ang COVID-19 vaccines na gawa ng Sinovac at Sinopharm ng China, at ang Bharat Biotech ng India ay naglalaman ng patay o inactivated na virus.

Pinayuhan ni Dr. Gloriani ang publiko na maniwala lamang sa mga reliable sources pagdating sa mga impormasyon patungkol sa mga bakuna.

“Kailangan maingat tayo sa pagpili sa kung kanino tayo maniniwala nandyan naman ang DOH website, ang Resbakuna, ang World Health Organization at marami pang reliable sources. ‘Wag tayong basta maniniwala, kung talagang may agam agam magtanong din tayo,” ani Gloriani.

Hinihikayat ng VEP ang publiko na kumpletuhin ang dalawang doses ng COVID-19 vaccines para hindi sila tamaan ng malalang uri ng COVID-19.

Facebook Comments