Irerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng mahigpit na border control measures para sa mga pasaherong manggaling sa Middle East.
Ito ay matapos makapagtala ng dalawang kaso ng B.1.617 variant ng COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakikipag-ugnayan na sila sa World Health Organization (WHO) para sa pagpapalawak ng travel ban.
Iginiit ni Duque na ang bawat variant na papasok sa Pilipinas ay “cause of concern” kaya mahalagang mabantayan ito.
Sinabi pa niya na wala pang sapat na datos kung gaano kabagsik ang Indian COVID-19 variant.
Dapat lamang aniya na matuto ang Pilipinas sa nangyayaring sitwasyon sa India kung saan mataas ang surge ng kanilang kaso.
Kasalukuyang nagpapatupad ang pamahalaan ng travel ban sa mga pasaherong manggagaling sa Pakistan, Nepal, Sri Lanka, at Bangladesh.
Bukod sa Indian variant, naitala rin sa bansa ang B.1.1.7 variant mula sa United Kingdom, B.1.351 mula sa South Africa, at P.1 galing ng Brazil, at P.3 na unang nadiskubre sa Pilipinas.