COVID-free Christmas posible pa rin ayon sa Palasyo

Umaasa at positibo ang Palasyo na matutupad ang Christmas wish ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagdating ng Disyembre ay COVID-free na ang Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kung hindi man umabot ngayong Disyembre ang pag-apruba sa Sputnik V ay mayroon pa namang ibang bakuna mula sa ibang mga bansa ang nasa stage 3 na ng kanilang clinical trial.

Nariyan aniya ang bakuna na dine-develop sa Estados Unidos, United Kingdom at China na kapwa nasa huling stage na ng clinical trials.


Sa timeline na inilabas ng Palasyo hinggil sa pag -aaral sa Sputnik V, lumalabas na pagdating ng September 2020 magkakaroon ng vaccine expert panel review sa resulta ng clinical trial sa phase 1 & 2 , habang sa October 2020 hanggang March 2021 ay doon pa lamang isasagawa ang clinical trial phase 3, kasabay sa Russia kung saan popondohan din ang nasabing clinical trial ng naturang bansa.

Pagsapit ng April 2021, doon pa lamang ito dadaan sa Food & Drug Administration (FDA) registration habang sa May 1, 2021 kapag aprubado na ng FDA, Department of Health at Department of Science and Technology, ay doon pa lamang mababakunahan sa kauna- unahang pagkakataon ng Sputnik V si Pangulong Rodrigo Duterte.

May nauna nang pahayag ang Palasyo na hindi naman basta -basta gagamitin sa mga Filipino ang bakuna galing Russia o kahit saan pa mang bansa hangga’t hindi dumadaan sa clinical trials at pagsusuri ng FDA.

Facebook Comments