“COVID-free” Ilocos Norte at Cotabato City, magpapatupad na rin ng Community Quarantine

Nagpatupad na ng Community Quarantine ang probinsya ng Ilocos Norte.

Pero paglilinaw ni Governor Matthew Marcos Manotoc, wala pang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang probinsya.

Sa ilalim ng inilabas niyang executive order 60-20, ang lahat ng local government sa probinsya ay dapat na sumunod sa direktiba ng dilg sa pagpapatupad ng Community Quarantine.


Inatasan na rin niya ang Philippine National Police (PNP) katuwang ang mga health personnel na mag-set up ng COVID-19 checkpoints sa Badoc, Nueva Era at Pagudpud.

Ang mga indibidwal na makikitaan ng sintomas ng sakit ay hindi papasukin sa Ilocos Norte maliban na lang kung residente sila ng probinsya.

Pinapayuhan namang sumailalim sa 14-day quarantine ang mga biyaherong manggagaling sa mga lugar na may kaso ng COVID-19.

Mahigpit ding ipatutupad ang Social distancing.

Bukod sa Ilocos Norte, magpapatupad na rin ng community quarantine ang Cotabato City na hanggang ngayon ay nananatiling “COVID-free”.

Una nang isinailalim sa Community Quarantine ang Metro Manila epektibo ngayong araw hanggang April 14, 2020.

Sa ngayon, nasa 111 na ang kumpirmadong kaso ng sakit sa bansa.

Facebook Comments