Inirekomenda ni Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na gawing modified ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon kasunod ng pagpapalawig sa ECQ pagkatapos ng April 14.
Ayon kay Sarmiento, sa ilalim ng ‘modified ECQ’ ay pipili ng mga COVID-free zones o mga lugar sa Luzon na wala pang naitatalang COVID-19 cases.
Paglilinaw naman ng kongresista ang mga COVID-free zones ay nasa ilalim pa rin ng ECQ ngunit papayagan naman ang lugar na ito na ituloy ang ilang mga economic activities tulad ng mga negosyo, trabaho at transportasyon pero oobserbahan pa rin ang protocol sa quarantine guidelines tulad ng social distancing at skeletal workforce.
Hindi naman makakapasok ang ibang lugar sa mga natukoy na COVID-free zones upang ma-contain at hindi makapasok ang sakit sa mga lugar na walang coronavirus.
Sa ganitong paraan, aniya, ay magtutuluy-tuloy pa rin ang pag-usad ng ekonomiya at mabibigyan ng pangangailangan ang mga apektadong lugar na hindi nasasakripisyo ang kampanya para puksain ang virus.
Batay, aniya, sa monitoring ng Department of Health (DOH), sa 771 na siyudad at munisipalidad sa Luzon ay 105 sa mga ito ang may naitalang kaso ng COVID-19 habang sa 40 probinsya sa buong Luzon kasama ang NCR, 23 lamang ang may kaso ng coronavirus kung saan karamihan sa mga ito ay isa o dalawa lamang ang naitalang may sakit.