Pinarerepaso ng Quezon City sa Department of Health (DOH) ang sistema ng reporting sa mga nagkakasakit ng COVID-19.
Ginawa ni Mayor Joy Belmonte ang panawagan kasunod ng nag-viral na COVID-19 positive patient kung saan sinisisi ang QC Government.
Wala umanong ginawang aksyon ang QC Local Government Unit (LGU) para sa contact tracing efforts para sa kanya at pati sa kanyang pamilya.
Ayon kay Belmote, hindi nag-self report sa LGU ang pasyente at umasa lang sa DOH na napag-alamang walang makitang datos sa contact details nito sa COVID KAYA system na pwede sanang makuha ng LGU.
Paliwanag ng alkalde, ang COVID KAYA ay isang kaso at contact tracing reporting system na ipinagkakaloob ng DOH para sa epidemiology and surveillance officers, health care providers at laboratory-based users.
Aniya, posibleng hindi nagbigay ng kumpletong detalye ang laboratory na sumuri sa COVID-19 patient sa COVID KAYA system o hindi rin nagbigay ng report sa LGU.
Apela ni Belmonte sa DOH dapat obligahin nito ang lahat ng laboratories at hospitals na isumite ang kumpletong impormasyon upang nasusundan ng maayos at tama ng mga LGU.