Cauayan City, Isabela- Pumalo na sa 243 ang bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na naka-admit ngayong araw, Agosto 15, 2021 sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na pinakamalaking Covid-19 referral hospital sa rehiyon dos.
Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, lalong lumala ang sitwasyon ngayon dahil ang nasabing bilang ng mga pasyenteng nasa COVID ward ay siyang pinakamataas na naitalang bilang simula nang magkapandemiya.
Mula aniya sa 243 na admitted sa mga Covid wards ng ospital, ang 218 sa mga ito ay positibo habang ang 25 ay mga suspected.
Maliban pa rito ang 24 na pasyenteng nasa mga tents o Nightingale ward ng ospital at sa 34 na nasa step down facility ng CVMC.
Sa 218 na positive cases, 204 rito ay mula sa Lalawigan ng Cagayan, labing tatlo (13) ay sa Lalawigan ng Isabela, at isa (1) sa probinsya ng Kalinga.
Pinakamarami pa rin ang pasyenteng galing sa Tuguegarao City, na aabot sa bilang na 132.
Samantala, dahil sa sitwasyon ngayon ng nasabing ospital, inihayag ni Dr. Baggao na patuloy ang ginagawang hiring ng pagamutan ng mga health workers tulad ng nurse, medical technologists, respiratory therapist, radiologic technician, nursing attendants at maging mga ambulance drivers upang magkaroon ng sapat na health workers ang ospital para sa mga dumadaming pasyente nito.