COVID response ng gobyerno, masasabi lang na tagumpay kapag wala ng naitatalang positibong kaso

Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hanggang hindi nauubos ang kaso ng COVID sa bansa, ay hindi maaaring sabihin ng gobyerno na naging matagumpay ang pagresponde sa pandemya.

Diin ni Lacson, hindi dapat basta maging kampante ang otoridad bunsod ng pagbaba ng kaso ng COVID nitong mga nakaraang linggo.

Paliwanag ni Lacson, sa ngayon ay libu-libo pa rin ang naitatalang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.


Inihalimbawa pa ni Lacson ang ibang mga bansa at teritoryo kung saan agad silang nagpapatawag ng emergency meetings kahit na isa lamang ang naitala nilang kaso.

Sa Pilipinas, sinabi ni Lacson na patuloy pa rin ang pagkakaroon ng “lapses” ng gobyerno na kailangang masolusyonan, bukod sa mga isyu kabilang na ang kawalan ng tiwala ng publiko sa ibang brand ng bakuna.

Binanggit din ni Lacson ang pangangailangan na sugpuin ang korapsyon lalo na sa Department of Health (DOH), upang mas magamit nang maayos ang limitadong pera para makabili at makapagturok pa ng bakuna sa mas nakararaming Filipino.

Dagdag pa ni Lacson, kailangan rin mabuwag ang sindikato sa DOH na nasa likod ng overpricing ng medical supplies kabilang ang mga ambulansya na nabili gamit ang pondo ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).

Bukod dito ay sinabi ni Lacson na kailangan rin ibaba ang pondo ng DOH sa mga Local Health Units sa halip na ipasa lang ang ilang tungkulin nito sa lokal na lebel pero ang pondo ay nananatili pa rin sa central office.

Facebook Comments