Ayon kay Dr. Anthony Leachon, nakaaamba pa rin ang posibilidad na magkaroon muli ng COVID-19 surge sa ating bansa kahit patuloy ang pagbaba ng positibong kaso.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay ipinaliwanag ni Dr. Leachon na mangyayari ito kung magiging kampante at hindi na mag-iingat ang lahat habang unti-unting nagluluwag ang ating restrictions.
Sinang-ayunan ni Leachon ang sinabi ni Committee Chairman Senator Richard Gordon na maaaring mangyari sa atin ang surge na dinaranas ngayon sa ibang panig ng mundo tulad sa Eastern Europe dahil sa pagluluwag ng restrictions at pagkalat ng Delta Plus variant.
Mungkahi ni Leachon, ipagpatuloy ang testing lalo na sa mga bumibiyahe at huwag lamang umasa sa vaccination cards dahil maari pa ring carrier ng virus kahit bakunado na.
Iginiit din ni Leachon ang kahalagahan na paigtingin ang pagbabakuna lalo’t mataas pa rin ang bilang ng nasasawi sa COVID-19 sa Pilipinas.