COVID vaccination program sa Kamara, sisimulan na sa Mayo

Uumpisahan na sa Mayo ang COVID-19 vaccination program sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay HREP CongVax Head at Bataan Rep. Jose Enrique “Joet” Garcia III, ang bakunang Sinovac ang gagamitin sa pagsisimula ng vaccine rollout sa Kamara na mula naman sa national government.

Hiwalay pa ito sa P50 million na halagang inilaan ng Kamara para sa 60,000 doses na Novavax ng Serum Institute of India na inaasahang darating naman sa July.


Tiniyak ni Garcia na mahigpit na susundin ng Mababang Kapulungan ang priority list ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagbabakuna sa kanilang mga kawani.

Ibig sabihin, uunahin pa rin na mabakunahan sa mga empleyado at mga members ang mga medical frontliners, senior citizens at mga may comorbidities.

Maging ang mga kongresista aniya ay maaaring magpabakuna sa Kamara pero inaasahang marami na sa mga ito ang magpapaturok na ng COVID-19 vaccines sa kanilang mga distrito o probinsya.

Facebook Comments