COVID vaccination sa Maynila, suspendido sa mga susunod na araw

Nag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Maynila na suspendido ang bakunahan kontra COVID-19 sa mga darating na araw, upang bigyang-daan ang paggunita ng Semana Santa 2023.

Ayon kay Atty. Princess Abante, ang tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, sa Miyerkules Santo (April 5) ay half-day lamang ang COVID-19 vaccination sa lungsod.

Sa Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria at Pasko ng Muling Pagkabuhay (April 6 hanggang 9) ay suspendido na rin ang bakunahan.


Dagdag ni Abante, wala ring COVID-19 vaccination sa April 10 dahil wala rin pasok bunsod ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan.

Magbabalik naman sa regular na operasyon ang bakunahan sa Maynila sa April 11.

Sinabi pa ni Abante, maaari magpabakuna ngayong Martes Santo sa iba’t ibang health centers sa lungsod ng Maynila pero batay na rin sa Manila Health Department, ang available na bakuna para sa adult population sa Maynila ay Sinovac, habang Pfizer naman sa mga batang edad 5 hanggang 11.

Paalala pa ng Manila Local Government Unit (LGU), pinakamainam ang bakunado upang mas maging ligtas laban sa COVID-19, lalo ngayong ginugunita ang Semana Santa.

Facebook Comments