Inaasahang pipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na layong pabilisin ang pagbili ng COVID-19 vaccines bago matapos ang linggong ito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kahit holiday ay pwedeng pirmahan ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na kanyang sinertipikahang urgent.
Pagtitiyak ni Roque na nagkaisa ang Kongreso at Ehekutibo para mabilis na maisabatas ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.
Bago ito, pinagtibay ng Kamara ang bersyon ng Senado na layong mapabilis ang procurement ng mga bakuna na hindi dadadaan sa mahabang proseso ng public bidding.
Ang Department of Health (DOH) at National Task Force against COVID-19 ang mangagasiwa ng negosasyon sa vaccine procurement.
Nakapaloob din sa panukalang batas ang 500 million pesos na indemnity fund para bayaran ang mga indibiduwal na makakaranas ng adverse effects mula sa bakuna.
Huhugutin ang pondo sa 2021 national budget at hahawakan ito ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).