Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga local scientist na mag-doble kayod at gumawa ng COVID-19 vaccines na gawang Pinoy.
Ito ang panawagan ni Pangulong Duterte para mabawasan ang pagkakadepende ng Pilipinas sa mga bakunang ginagawa ng ibang bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga bakunang mayroon ang bansa ay donasyon o binili mula sa foreign suppliers.
“Hindi ko naman minamata ‘yang mga scientists natin maybe for lack of so many things, equipment and all. But I am also praying, at the same time, that they can come up a really good result of their studies and make some vaccines that are really truly Filipino,” sabi ni Pangulong Duterte.
Batid ni Pangulong Duterte na mas nakakahawa ang mga naglulutangang COVID-19 variants, kaya kailangang mayroong ligtas at epektibong bakuna para maprotektahan ang mamamayan.
Hinimok ng pangulo ang mga scientist na bumuo ng gamot para protektahan ang mga Pilipino mula sa virus, at kanyang tiniyak na tutulungan sila ng pamahalaan.
“I would like to tell you there are so many variants now coming out. ‘Pag lahat ‘yan kailangan ng bakuna, ah patay na. Our scientists must work double the time to — mag-isip talaga kayo If you have to pour your, you know, matutunaw ‘yang utak ninyo you must come up with something to help the Filipino,” ani Pangulong Duterte.
Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakatanggap na ng 17 milyong doses ng COVID-19 vaccines.