Cauayan City, Isabela- Lumampas na sa bed capacity ang bilang ng mga COVID-19 positive na naka-admit sa Cauayan City District Hospital.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Herrison Alejandro, Chief ng Cauayan City District Hospital sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Sinabi ni Dr. Alejandro na nasa 50 beds capacity lamang ang nasabing ospital na kung saan 53% rito o 18 beds ay inilaan para sa mga dinapuan ng sakit.
Kulang aniya ito dahil sa kasalukuyan ay mayroong 28 na COVID-19 patients ang naka-admit sa ospital at sa loob ng isang room may tatlo o apat na magkakapamilya dahil na rin sa kakulangan ng beds para sa mga nagpopositibo.
Bagamat may mga gumagaling aniya sa mga naunang naka-admit na positibo ay ganon din kabilis ang mga pumapalit dahil na rin sa dami ng positive cases.
Kung nakarekober at nakalabas na ng ospital ang mga pasyenteng dinapuan ng sakit, agad itong ipinapaalam sa LGU upang mamonitor sa kanilang tahanan.
Bukod dito, ibinahagi rin ng Duktor na maging ang ilang empleyado ng ospital ay dinapuan na rin ng virus at ilan sa mga ito ay may severe cases.
Bilang pag-iingat ng ospital para hindi na madagdagan ang positive cases, lahat ng mga pumapasok na pasyente ay sumasailalim muna sa rapid antigen test upang matiyak na walang makapasok na carrier ng nasabing virus.
Nagkaroon kasi aniya ng insidente sa kanilang ospital na mayroong mga pasyente na kahit walang sintomas ay nagpositibo pa rin sa kanilang antigen at swab test.
Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang disinfection ng ospital bilang bahagi na rin ng kanilang maigting na pag-iingat.
Mensahe ng Pinuno ng ospital sa publiko na huwag sanang balewalahin ang banta ng COVID-19 kundi seryosohin at makiisa sa hinihiling ng gobyerno na sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols.