Aminado ang Communist Party of the Philippines (CPP) na ang pagpatay sa pamamagitan ng landmine sa Far Eastern University (FEU) football team member na si Keith Absalon at kanyang pinsan ay paglabag sa international law.
Ayon kay CPP Spokesperson Marco Valbuena, tinantanggap nila ang lahat ng sentimiyento at pagkondena mula sa iba’t ibang sektor.
Ang insidente ay paglabag sa international laws pagdating sa giyera at paglabag din sa internal rules ng New People’s Army (NPA) kung saan dapat prayoridad ang pagbibigay proteksyon sa mga sibilyan sa lahat ng oras.
Dagdag pa ni Valbuena, ang kanilang mataas at mababang party committees ay may kakayahang gumawa ng kaukulang aksyon para itama ang kamalian ng NPA unit na nasa likod ng pagpatay sa magpinsang Absalon.
Pagtitiyak ng CPP na ang mga nasa likod ng insidente ay papatawan ng karampatang parusa.