Inalmahan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang desisyon ng Anti-Terrorism Council (ATC) na italaga ang grupo at ang New People’s Army (NPA) bilang mga terorista.
Ayon kay Marco Valbuena, information officer ng CPP, ang pagtatalaga ng ATC sa organisasyon bilang terorista ay simula ng pasistang paniniil laban sa malawak na pwersang demokratiko na inaatake at inuusig dahil sa paglaban sa malupit na pamamahala at mga pakana ng administrasyon para mapanatili ang Duterte political dynasty.
Aniya, nais lamang ng rehimeng Duterte na magkaroon ng all-out suppression ng mga karapatang demokratiko kung saan gagamitin ang “anti-terrorism” bilang dahilan.
December 9 nang aprubahan ang ATC Resolution No. 12 kung saan itinatalaga ang CPP-NPA at mga armed wing nito bilang mga terorista.
Pero giit ni Valbuena, hindi kabilang sa listahan ng mga proscribed terrorist organizations ng United Kingdom at Australia ang CPP-NPA.
Maaari lang i-adopt ng ATC ang terrorist proscription ng mga banyagang bansa kabilang ang Estados Unidos kung mayroong request for designation mula sa mga nasabing bansa.
Ayon kay Valbuena, walang indikasyon sa ATC resolution na ang request ay ginawa ng US, New Zealand maging ng European Union.
Kaugnay nito, nanindigan si Valbuena na ang CPP-NPA ay isang revolutionary organizations.
Samantala, sa hiwalay na resolusyon, idineklara rin bilang teroristang grupo ng ATC ang Islamic State East Asia (ISIS), Maute Group, Daulah Islamiyah at iba pang mga associated groups.