Cauayan City, Isabela- Nagkaisa ang mga residente ng limang mga barangay sa Rizal, Cagayan na apektado ng insurhensiya sa pagsasagawa ng Peace Rally laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ang mga lumahok na residente ay mula sa mga Barangay ng Masi, San Juan, Liuan Anurturu, at Minanga ng bayan ng Rizal.
Layon ng nasabing aktibidad na itaboy ang mga umaaligid na rebeldeng CPP-NPA sa kani-kanilang mga lugar dahil sa mga pang-aabuso at kalupitan ng rebeldeng grupo.
Nanindigan ang mga residente sa kanilang tuluyang pagtalikod sa rebeldeng CPP-NPA sa pamamagitan ng kanilang panunumpa at pagsunog sa bandila ng rebeldeng CPP-NPA-NDF.
Ang kusang pagdedeklara ng persona non-grata sa mga rebeldeng grupo ay resulta ng Community Support Program (CSP) ng pamahalaan sa mga nabanggit na barangay na kung saan ay namulat na ang mga residente sa ginawang panloloko at pananakot ng mga rebelde.
Sinaksihan mismo ni Cagayan Governor Manuel N Mamba ang ikinasang peace rally at namahagi pa ito ng dalawang solar panel at mga ayuda para sa Barangay Masi at San Juan.
Pinasalamatan naman ni LtC Angelo C Saguiguit, Commanding Officer ng 17IB ang mga residente dahil sa kanilang ipinakitang suporta at tiwala sa kasundaluhan at sa pamahalaan.