Nagbigay ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa anti-cyber-crime group na paigtingin ang panghuhuli sa mga nagbebenta ng paputok lalo na ang mga gumagamit ng social media.
Sa isinagawang inspeksyon ni Gen. Azurin sa mga tindahan at pagawaan ng paputok sa Bocaue, Bulacan, iginiit nito na mahigpit na ipinagbabawal ang lahat ng uri ng firecracker na gawa sa ibang bansa.
May mga impormasyon kasi anila silang natanggap na ginagawa ng mga supplier galing sa China ang mga paputok at dito sa bansa binabalot para palabasin na made in the Philippines ang mga ito.
Bukod dito, ipinagbabawal ang mga firecracker at pyrotechnic devices na lagpas sa itinatakdang timbang at laki maging ang mga walang tatak kung sino ang manufacturer.
Ilan sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang watusi, piccolo, five-star, goodbye COVID-19, bin laden at iba pa.
Ani Azurin, ngayong nalalapit na ang pasko at bagong taon paiigtingin pa ng PNP-ACG ang cyber patrolling.