Iniutos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan at sa pambansang pulisya na magsagawa ng crackdown o pigilan ang illegal logging at illegal quarrying sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang malawak na pagbaha at iniwang pinsala ng Bagyong Ulysses ay isang paalala na hindi sapat ang mga pagsisikap para protektahan ang nalalabing forest cover sa bansa.
Pinapa-activate ng DILG chief sa mga Local Government Units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) units ang mga local Anti-Illegal Logging Task Forces sa pakikipagtulungan ng Provincial and Community Environment and Natural Resources Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Unang nilikha ang mga Task Forces sa bisa ng isang Executive Order 23 kung saan kinabibilangan ito ng DENR, DILG, Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), PNP at mga LGUs.
Nakasaad sa memorandum circular na kinakailangang maglatag ng hakbang para sa upland monitoring para higpitan ang mga aktibidad na nakasisira sa kabundukan katulad ng pagkakaingin.
Inaatasan naman ng kalihim ang PNP na magtatag ng checkpoints at arestuhin ang sinumang illegal loggers.
Umaasa ang DILG na makapagde-deploy ang mga LGUs ng mga forest guards habang ang DENR ang magpapakalat ng mas maraming foresters na magmo-monitor sa reforestation programs.