Ipinaalala ni Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa Senado ang pangako na aaprubahan na ng mga senador ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.
Hiniling ni Salceda sa mga senador na i-honor ang naging pangako nito na ipapasa na ang panukala na dapat sana ay ngayong buwan ng Agosto.
Ayon sa kongresista, resulta ang CREATE ng pag-uusap kasama ang Ehekutibo at ang mga rekomendasyong nakapaloob dito ay pinagtibay ng maraming beses na pakikipag-ugnayan sa stakeholders, partikular na sa mga maliliit na negosyo at malalaking kumpanya.
Nakahanda rin aniya ang Kamara na i-adopt na lamang ang bersyon ng Senado kung aaprubahan nila ang panukala hanggang sa susunod na linggo upang matapos na.
Mas lalo lamang aniyang pinapatagal ang paghihirap sa pagpapalawig pa ng diskusyon ukol dito gayong kung may improvements na dapat ilatag ay dapat ginawa na aniya noon pa.
Sa ilalim ng CREATE Act ay ibababa sa 25% ang corporate income tax mula sa kasalukuyang 30% at susundan ulit ng pagbaba ng 1% kada taon mula 2023 hanggang 2027 hanggang sa bumaba ito sa 20%.
Makakahikayat umano ito ng mas maraming mamumuhunan sa bansa at makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.