Nabiktima ng hacker si Senator Win Gatchalian, kung saan ginagamit ang kanyang credit card sa pag-order ng ₱1 milyong halaga ng pagkain sa food delivery service na Food Panda.
Apat na transaksyon ang ginawa ng hacker sa loob ng isang oras kahapon, January 5.
Una ay alas-4:47 ng hapon, nagpa-deliver ang hacker ng ₱96,265 na halaga ng pagkain.
Nasundan ito alas-4:56 ng hapon ng pag-order uli ng halagang ₱323,247 na pagkain.
Alas-5:11 ng hapon ay nagpa-deliver uli ang suspek ng pagkain na nagkakahalaga ng ₱356,517.
Dakong 5:49 pm naman ay nagpa-deliver pa ng ₱300,851 na pagkain.
Sabi ni Gatchalian, naisagawa ito dahil pinalitan ng hacker ang registered phone number niya kaya nakuha nito ang kanyang One- Time Password o OTP na syang ginamit na go-signal sa nabanggit na mga transaksyon.
Ipinaalam na ito ni Gatchalian sa bangko na agad nagsimulang magsagawa ng imbestigasyon at pinutol na rin pansamantala ang kanyang credit card.
Plano rin ni Gatchalian na maghain ng incident report kaugnay nito sa Valenzuela Police Station.