Manila, Philippines – Tiwala si House Majority Leader Martin Romualdez na aangat pa ang credit rating ng Pilipinas bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Romualdez, ito ay dahil sa mabilis na pagtatrabaho ng Kamara para maaprubahan ang comprehensive tax measures na naglalayong gawing investment destination ang bansa.
Kabilang na rito ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act at Corporate Income Tax and Incentive Rationalization Act.
Aniya pa, ang pinakamataas na credit rating na “BBB+” na ibinigay ng Standard and Poor’s Global Ratings sa bansa ay posible pang mai-upgrade sa “A” dahil sa naturang mga tax measures.
Kumpyansa naman si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na kapag nakamit ang “A” rating mula sa international debt watchers ay mababawasan na ang pag-utang ng Pilipinas.
Sa ngayon ay tinututukan pa ang Mababang Kapulungan ang mga panukalang batas patungkol sa fiscal reform upang lalo pang palaguin ang ekonomiya ng bansa.