Lumalabas sa mga datos na nakalap ni Senate President Chiz Escudero na mas mataas ang crime index noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa kasalukuyang Marcos administration.
Kaugnay na rin ito sa pahayag ng ilang mga testigo kahapon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na bumaba ang kriminalidad sa panahon na may war on drugs.
Ayon kay Escudero, dahil pinagtatalunan ito kahapon ng mga inimbitahang resource persons kaya inusisa niya kung ano ang totoo.
Batay aniya sa datos na nakuha mula sa Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), mula July 1, 2016 hanggang April 21, 2018 ay nasa 196,518 ang crime index habang sa parehong period o mula July 1, 2022 hanggang April 21, 2024 ay aabot sa 71,544 ang crime index sa bansa.
Kung ikukumpara aniya ay mas mataas ng 60% o halos triple ang taas ng krimen o mga pagpatay noong kasagsagan ng drug war kaysa sa kasalukuyang panahon.
Kasama rin kasi sa mataas na crime index na ito ang mga kaso ng extrajudicial killings dahil krimen pa rin naman ang pagpatay kahit pa ito ay sangkot sa iligal na droga o ano pa mang krimen.