Crime rate sa bansa, bumaba ng 36% – PNP

Bumaba ang naitatalang krimen sa bansa mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan kumpara sa kahalintulad na buwan noong nakalipas na taon.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), 36 na porsyento ang pagbaba ng crime rate.

Sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, bagama’t bumaba ang pangkalahatang insidente ng krimen, may bahagyang pagtaas naman sa mga kaso ng crime against persons partikular na ang pagnanakaw.


Paliwanag ni Fajardo, dulot ito ng pagluwag ng COVID restrictions na nagpapahintulot sa paglabas ng mas maraming tao o mas mataas na mobility.

Kasunod nito, malinaw aniya ang mandato sa kanila ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin na paigtingin ang police visibility upang magdalawang isip na gumawa ng masama ang mga kawatan.

Tuloy-tuloy rin ani Fajardo ang kampanya nila kontra iligal na droga.

Kasunod nito, patuloy ang paghihikayat ng PNP sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad nang sa ganoon ay mapanatili ang mababang antas ng krimen sa bansa.

Facebook Comments