Monday, January 26, 2026

Crime rate sa Maynila, bumaba sa last quarter ng 2025

Bumaba ng mahigit 13% ang bilang ng krimen sa Maynila sa ikaapat na kuwarter ng 2025.

Ito’y batay sa datos ng Manila Police District (MPD) na iniulat kay Mayor Isko Moreno sa isinagawang Command Conference para sa 2026.

Mula sa 2,110 na insidente noong ikatlong kuwarter, bumaba ito sa 1,834 kaso sa ikaapat na kuwarter, o 276 na mas kaunting insidente.

Bumaba rin ang index crimes mula 291 tungo sa 239, habang ang non-index crimes ay mula 1,819 ay naging 1,595 sa parehong panahon.

Sa ulat na iniharap ni MPD Director Police Brig. Gen. Arnold Abad, ang pagbaba ng krimen ay bunga ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas at panagutin ang mga lumalabag.

Ipinunto ng alkalde na mananatiling prayoridad ng pamahalaang lungsod ang hustisya para sa mga biktima, disiplina ng pulisya, paggalang sa due process, at ang patuloy na presensiya ng mga pulis sa lansangan lalo na tuwing gabi at madaling araw.

Hinimok ng Manila LGU ang MPD na panatilihin ang momentum sa crime reduction at ipagpatuloy ang maayos, disiplinado, at makataong pagpapatupad ng batas sa buong lungsod.

Facebook Comments