Crime rate sa nakalipas na 10 buwan, bumaba ng mahigit 8% kumpara noong nakalipas na taon

Ibinida ng Philippine National Police (PNP) ang pagbaba ng mahigit 8% ng crime rate sa bansa mula Enero 1 hanggang Oktubre 31 ng taong kasalukuyan kumpara sa parehong panahon noong nakalipas na taon.

Base sa datos ng Crime Information Reporting and Analysis System ng PNP, bumaba ng 8.24% ang index crime at 8.18% naman ang ibinaba ng mga focus crimes tulad ng murder, robbery, theft, rape, physical injury, at carnapping.

Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., sa loob ng naturang panahon ay naging matagumpay ang kampanya kontra sa cybercrimes kung saan naaresto ang 732 indibidwal at naligtas ang 4,096 na biktima.


Ang kampanya kontra-carnapping naman ay nakapagtala ng recovery efficiency na 71.76%.; habang ang kampanya laban sa wanted individuals ay nagresulta sa pagsuko ng 341 at pagkaaresto ng 63,486.

Sa kampanya laban sa loose firearms, iniulat ni Acorda na 7,914 ang naaresto at 25,174 firearms ang na-rekober, isinuko at nakumpiska; at sa kampanya kontra sa ilegal na droga ay mahigit 48,000 drug suspects ang naaresto at lagpas sa P9.7B halaga ng ilegal na droga ang narekober ng mga otoridad.

Facebook Comments