Crime trend ngayong Disyembre, inaasahang bababa ng PNP

Positibo ang Philippine National Police (PNP) na mas mababa ang crime trend ngayong Disyembre kumpara sa mga nakalipas na buwan.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sa year-end command conference na isinagawa sa Camp Crame kahapon.

Ayon sa PNP chief, ito’y dahil nasa 85 porsyentong deployment ng PNP ngayong Christmas season sa mga pangunahing establisyemento; mobilisasyon ng force multipliers para tumulong sa seguridad; at pinaigting na checkpoint operations.


Nakatulong din aniya ang pagpapalabas ng mga infographic tungkol sa iba’t ibang modus ng mga kriminal sa publiko, upang makaiwas na maging biktima.

Tinukoy rin ni Azurin ang aktibong pag-aresto ng mga gumagawa at nagbebenta ng iligal na paputok, para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Tiniyak pa ng PNP chief na hindi magpapahinga ang mga pulis para matiyak na ligtas ang mga mamamayan habang abala sa pamimili ngayong ilang araw na lamang at Pasko na.

Facebook Comments