Nagpapatuloy ang pagbaba ng bilang ng nangyayaring krimen sa bansa simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Joint Task Force COVID-19 Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar, mula March 17 nang ipatupad ang ECQ, 61% ang ibinaba ng criminal activities sa bansa.
Batay sa kanilang datos, ang Luzon ay may pinakamalaking ibinaba ang krimen na umaabot sa 67%, 58% sa Visayas at 51% naman sa Mindanao.
Sinabi ni Eleazar, bago ipatupad ang ECQ umaabot sa 150 kada araw sa buong bansa ang naitatalang kaso ng murder, homicide, physical injury, robbery, theft, carjacking, carnapping ng motorisklo at rape.
Pero nang ipatupad ang ECQ umaabot na lamang sa 88 kada araw.
Ngunit, challenge ngayon sa Philippine National Police (PNP) kung paano mapapanatiling mababa ang bilang ng krimen kapag naipatupad na ang ‘new normal’ sa bansa dahil pa rin sa banta ng COVID-19.