Sinisilip na rin ng Malacañang kung may pananagutang kriminal ang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration na sangkot sa pagbuo ng ‘illegal resolution’ para makapag-import ng asukal kahit walang basbas mula sa Pangulo.
Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie-Cruz Angeles.
Sa isang panayam, sinabi ni Angeles na sa kabila ng pagtutok ng imbestigasyon sa administrative aspect, hindi rin nila inaalis na posibleng criminal liability ang mga taong sangkot.
Pero nilinaw naman ng kalihim na dapat munang tapusin ang fact finding sa kaso at kung may makitang matibay na ebidensiya na may kriminal na pananagutan ang mga taong kanilang iniimbestigahan ay agad itong kakasuhan sa Ombudsman.
Hindi rin naman isinasantabi ni Angeles ang posibilidad na may matisod pang mga maanomalyang transaksyon habang gumugulong ang imbestigasyon ‘illegal resolution’ sa importasyon ng asukal.
Siniguro naman ng kalihim na mananagot ang mga sangkot at iba pang opisyal kung mapapatunayang mayroong anomalya kahit sa mga naunang sugar importation.