Cryptocurrency scam, nagtatago sa operasyon ng mga POGO

Kinumpirma sa pagdinig ng Senado na nagtatago sa pagiging legal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang operasyon ng mga cryptocurrency scam sa bansa.

Ito ang nabulgar sa pagdinig ng Senate Committee on women, children, family relations and gender equality matapos kumpirmahin ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang nasabing modus ng mga scam hubs na nirerehistro bilang lehitimo na POGO business o service provider.

Sa pagdinig, inihayag ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na karaniwang ang establisyimento ay inirerehistro bilang lehitimong POGO business o isang service provider ng POGO pero ang totoo ay may bahagi ito na nasasangkot pala sa online cryptocurrency scamming.


Natuklasan pa na ang mga empleyado sa scam hubs ay naha-hire sa pamamagitan ng online job postings kung saan nare-recruit sila bilang mga call center agent kapalit ng malaking sahod at maayos na working environment pero ang totoo ay pinupwersa silang mang-scam at maghanap ng mabibiktima na mag-i-invest sa kanilang cryptocurrency.

Sa pagdinig ay ipinakita ni Senator Risa Hontiveros ang clips ng kanyang pagdalaw sa Clark Sun Valley sa Mabalacat, Pampanga na ni-raid ng mga awtoridad noong May 5 kung saan mahigit 1,000 foreign nationals na nagtatrabaho doon ang nailigtas.

Ayon sa senadora, sa unang tingin ay aakalain mo talagang isang call center lang ang opisina pero ang araw-araw nilang ginagawa pala ay magpapaibig ng mga dayuhan na kadalasan ay lalaki at matapos nito ay pipilitin na mag-invest sa kanilang crypto scam.

Facebook Comments