CSC, naglabas ng guidelines para sa paghahain ng SALN sa gitna ng pandemya

Naglabas ng guidelines o gabay ang Civil Service Commission (CSC) para sa paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyales at empleyado ng gobyerno habang humaharap ang bansa sa banta ng pandemya.

Sa guidelines na inilabas ni CSC Chairperson Alicia dela Rosa-Bala, binibigyan ng 16 araw na extension ang mga government official at employees para makapag-file ng kanilang SALN.

Base sa Memorandum Circular ng CSC, sa June 30, 2020 ang filing ng SALN ng mga government official.


Babala ng CSC, posibleng maharap sa kasong administratibo ang mga hindi makapag-file sa June 30, 2020.

Sa ilalim ng batas, April 30 kada taon ang deadline ng filing ng SALN.

Para naman sa mga empleyado ng mga departamento, ahensya at opisina ng gobyerno, sa halip na sa June 30, 2020 ay sa August 31, 2020 na sila maghahain ng kanilang SALN.

Sa ilalim ng Article XI Section 17 ng 1987 Constitution at sa Section 8 ng Republic Act No. 6713, o ang “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees”, binibigyang kapangyarihan ang Ombudsman na busisiin ang mga dokumento patungkol sa assets, liabilities, net worth, business interests at financial connections ng lahat ng naglilingkod sa mga sangay ng gobyerno.

Facebook Comments