Aarangkada na ngayong buwan ang ‘CSR Conference and EXPO 2022’ ng League of Corporate Foundations (LCF).
Ang ‘CSR Conference and EXPO’ ay taunang isinasagawa ng LCF simula pa noong 2001 kung saan ang tema ngayong taon ay “Paglikha ng kinabukasan na kailangan natin: pagtatanghal ng landas sa panahon ng transisyon.”
Ito rin ay alinsunod sa Presidential Proclamation ni dating Pangulong Joseph Estrada na idineklara ang unang linggo ng Hulyo bilang “National CSR Week”.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni LCF Chairman Sebastian Quiniones Jr., na ang ‘CSR Conference and EXPO’ ay malaking tulong sa mga corporations at iba’t ibang sektor upang mas maging mahusay ang kanilang mga istratehiya hinggil sa usaping Corporate Social Responsibility o CSR.
Dagdag pa ni Quiniones, magkakaroon din sila ngayong taon ng ’Guild Awards’ upang bigyang pugay ang mga organisasyon na katuwang sa mga proyekto ng LCF.
Layon aniya ng LCF na magsilbing-daan para sa pagpapalitan ng mga ideya, impormasyon, karanasan at teknolohiya para sa CSR.
Magsisimula ang ‘CSR Conference and EXPO 2022’ sa July 4 hanggang 7, habang ang pagtatapos ng naturang aktibidad ay gaganapin sa Blue Leaf Events Pavilion sa Taguig City sa July 7.