Pinatatanggal ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera bilang requirement sa pagpaparehistro ng sasakyan ang Compulsory Third-Party Liability (CTPL) Insurance.
Sabi ni Herrera, ang CTPL insurance na nagkakahalaga ng 1,200 pesos ay dagdag pahirap lamang para sa mga pangkaraniwang mamamayan na nagpaparehistro ng sasakyan tulad ng jeepney drivers, delivery riders, at solo parents.
Ayon kay Herrera, kahit walang bagong batas ay maaari nang ipag-utos ng Land Transportation Office (LTO) ang pagtanggal sa CTPL insurance bilang isa sa mga requirements sa pagpaparehistro ng behikulo.
Sa inihaing House Bill No. 11275 ay sinabi ni Herrera na hindi na kailangan ang CTPL insurance dahil karamihan naman sa mga motorista ay may Comprehensive Motor Vehicle Insurance.
Diin pa ni Herrera, napakahirap at masalimuot ang proseso sa pag-claim ng benefits kaugnay sa CTPL insurance.