
Hinatulan ng Palawan Regional Trial Court (RTC) si Culion Mayor Cesar De Vera at ang kanyang asawa na si Vice Mayor Maria Virginia ng child abuse.
Sa 73-pahinang desisyon ni Acting Presiding Judge Ryan Hartzell Balisacan ng RTC Branch 163, guilty ang mag-asawang De Vera sa paglabag sa Section 10(a) ng R.A. 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Pinatawan sila ng higit apat na taon hanggang anim na taon sa kulungan, bukod pa sa P15,000 na multa bawat isa kung saan inatasan din na magbayad ng P20,000 bilang moral damages at P20,000 bilang exemplary damages.
Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo ng mga magulang ng binatilyong biktima, na sinabing pinagbubugbog ang kanilang anak sa loob ng Culion Police Station noong Hunyo 18, 2018, sa panahong si Maria Virginia pa ang alkalde.
Base sa imbestigasyon, kapwa umano sinampal, sinuntok, at hinatak ang buhok ng biktima ng mag-asawa kung saan bindi kumilos ang mga pulis ayon sa utos ni Maria Virginia.
Isinalang ng prosekusyon ang walong testigo, kabilang ang biktima, mga magulang nito, at ilang saksi sa insidente kung kaya’t naging sapat ang ebidensya kaya’t nakitaan ng pagkakamali ang mag-asawa.
Nanatiling malaya sa piyansa ang dalawa at may 15 araw sila mula sa pagtanggap ng desisyon upang magsumite ng motion for reconsideration bago maging pinal ang hatol.










