Manila, Philippines – Positibo ang Department of Agriculture (DA) na matatapos ngayong araw ang culling o pagpatay sa mga poultry animals tulad ng manok, itik at pugo sa Nueva Ecija na apektado ng bird flu virus.
Ito’y sa gitna ng pagbaba ng presyo ng manok sa maraming pamilihan sa Central Luzon.
Ayon kay Dr. Arlene Vytiaco, head ng Animal Health and Disease Control Section ng Bureau of Animal Industry – hindi pa nila inaalis ang administrative circular na nagpapahintulot sa mga manok at iba pang poultry product na ibyahe sa Visayas at Mindanao.
Pero hindi anya saklaw ng circular ang ibang uri ng ibon mula sa 7-kilometer radius controlled zones sa mga bayan ng San Luis sa Pampanga; Jaen at San Isidro, sa Nueva Ecija.
Samantala, matumal pa rin ang bentahan ng manok sa mga pamilihan sa Central Luzon kaya’t bumagsak na sa 90 pesos kada kilo ang presyo nito mula sa dating 130 pesos na kada kilo noong hindi pa kumakalat ang avian influenza.