Curfew at granular lockdown, kulang para mapababa ang kaso ng COVID-19; 2-week ECQ sa Metro Manila, iminungkahi ng isang health expert

Duda si dating National Task Force (NTF) Against COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon na mapapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pamamagitan lamang ng pagpapatupad ng curfew.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Leachon na makakatulong pero maliit na bagay lamang ang curfew.

Sa halip, iminungkahi niya na dalawang linggong isailalim ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) o kung mamarapatin ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Kasabay nito, dapat aniyang ayusin ng pamahalaan ang problema sa testing, contact tracing at isolation quarantine at pabilisin ang pagdating ng mga bakuna.

Last year, we were not ready at that time kaya napilitan tayong apat na buwan naka-lockdown. Kaya lang the situation right now is different. We are more equipped and more prepared today that last year. Ang problema lang natin, merong variant na nakapasok sa bansa natin na nagpapadali ng transmission at yang mga yan ay mapipigilan lang, aside from the usual minimum health standards, yung hindi tayo magsisilabas lahat po at least for two weeks para bumaba yung ating transmission,” ani Leachon.

Bago ito, tinukoy ni Leachon ang mga maling ginawa ng pamahalaan kung kaya’t hindi agad napigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Kabilang rito ang kawalan ng sense of urgency sa pagsasagawa ng mga science-based approach, pagmamadaling buksan ang ekonomiya at kakulangan ng paghahanda sa pagdating ng mga bakuna.

Samantala, naniniwala rin si OCTA Research Group fellow Dr. Butch Ong na maiiwasan lang ang pagkalat ng virus kung makokontrol ang galaw ng mga tao.

There are challenges with granular lockdown also. Although effective siya in controlling the spread in community but if a traveler who has a COVID and he is asymptomatic crosses boundaries at nagpunta siya sa trabaho sa ibang lugar na mababa ang cases at dala niya ang bagong variant, yung pinuntahan niya might increases in numbers as well,” paliwanag ni Ong sa interview ng RMN Manila.

Babala ng OCTA, kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng virus, posibleng sumampa sa 7,000 hanggang 8,000 bagong kaso ang maitala kada araw sa katapusan ng Marso.

Una nang nagbabala ang grupo na maaaring makapagtala ang bansa ng 20,000 bagong kaso ng COVID-19 sa Abril kung magtutuloy-tuloy ang pagkalat ng sakit.

Facebook Comments