CURFEW AT LIQUOR BAN, EPEKTIBO PA RIN SA ILANG BAYAN SA PANGASINAN

Nananatiling ipinatutupad ngayong Nobyembre 11 ang curfew at liquor ban sa ilang bayan sa Pangasinan bilang bahagi ng patuloy na pag-iingat sa epekto ng Bagyong Uwan.

Sa Manaoag at San Jacinto, hindi pa inaangat ang municipal-wide curfew na mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.

Epektibo pa rin ang nasabing kautusan mula nang ipatupad ito noong Nobyembre 8 sa Manaoag at Nobyembre 9 sa San Jacinto.

Sa Dagupan City at Sison, nananatili ring umiiral ang temporary liquor ban kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili, at distribusyon ng mga alcoholic beverages.

Inaasahan sanang matatapos ang implementasyon kahapon, Nobyembre 10, ngunit wala pang inilalabas na bagong abiso mula sa mga lokal na pamahalaan.

Samantala, sa Calasiao, patuloy na ipinatutupad ang curfew hours mula alas-7 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga, habang umiiral ang liquor ban mula Nobyembre 9 hanggang 11 o hanggang maglabas ng bagong direktiba.

Sa ngayon, abiso ng ilang LGU na manatili pa ring maingat ang publiko at umiwas lumabas kung hindi kailangan, lalo na’t may mga lugar pa rin na nakararanas ng epekto ng masamang panahon at kinakailangan ng patuloy na pagpapanatili ng kaayusan at seguridad.

Facebook Comments