Koronadal City, Philippines – Pinag-aaralan sa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Koronadal City ang istriktong pagpapatupad ng curfew hour at “No Id, No Entry Policy’’ para matiyak ang seguridad ng publiko at hindi malusutan ng teroristang grupo.
Ayon kay Koronadal City Mayor Peter Miguel, gusto niya sanang ipakitang normal ang sitwasyon sa lungsod sa kabila ng deklarasyon ni Presidente Rodrigo Duterte ng martial law sa buong Mindanao dahil sa gulo sa Marawi City.
Ngunit nagbago umano ang kanyang desisyon dahil sa ipinakitang datos sa kanya na patuloy ang pagdagsa sa lungsod ng mga residente ng Marawi City na apektado ng bakbakan sa pagitan ng militar at Maute Group.
Sa datos, mahigit 40 pamilya na mula Marawi City ang nasa lungsod na, ang iba sa mga ito ang nakituloy na lamang sa kanilang kamag-anak at posibleng madagdagan pa umano.
Napag-alamang may umiiral nang ordinansa ang lungsod sa curfew hour para sa lahat.