Thursday, January 22, 2026

Curfew hour, mahigpit nang ipatutupad kasunod ng panggugulpi ng mga kabataan sa kapwa nila menor de edad sa Lungsod ng Maynila

Tiniyak ng Manila Police District (MPD) na mahigpit nilang ipatutupad ang curfew hour sa Lungsod ng Maynila kasunod ng insidente ng panggugulpi ng grupo ng mga kabataan sa kapwa nila menor de edad.

Sa City Ordinance No. 8547 ng Maynila, ipinatutupad ang curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 para sa mga menor de edad.

Una rito, naging viral sa social media ang pagbugbog ng pitong menor de edad sa dalawang kapwa nila minors sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Quiapo, Maynila.

Sinabi ni Police Capt. Dennis Turla, commander ng Plaza Miranda Police Community Precinct ng Manila Police District, 12-taong gulang ang pinakabata sa kanila habang 16-anyos naman ang pinakamatanda na mga dayo lang umano sa Quiapo.

Apat sa kanila ay mula sa Santa Cruz, habang ang iba ay mula sa Ermita at Baseco.

Aniya, lumalabas sa imbestigasyon na ang mga biktima ay dati umanong nanakit doon sa isa sa nambugbog sa kaniya.

Kaya posibleng ginantihan lamang ang mga biktima ng grupo ng mga nambugbog.

Nakatakda namang ipatawag ang mga magulang ng mga menor de edad at ayon kay Jay Dela Fuente, head ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), sakaling mapatunayang may kapabayaan ang mga magulang o guardian ng bata, maaari silang mapatawan ng hanggang P5,000 multa at maaari din silang makulong ng hanggang anim na buwan.

Facebook Comments