Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mahigpit na pagpapatupad ng Ordinance Number 8243 o Curfew sa Maynila mula alas-dyes ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw.
Target ng curfew ang lahat ng menor de edad sa lungsod simula ngayong araw.
Base sa ordinansa magbabayad ng multang 2,000 pesos at pagkakulong ng hanggang isang buwan ang mga magulang ng 15-17 years old na lalabag sa curfew.
Magmumulta naman ng 3,000 pesos at makukulong ng hanggang tatlong buwan ang mga magulang ng mga kabataang edad 13-14 anyos na susuway sa curfew.
Habang 5-libong pisong multa at pagkabilanggo na hanggang anim na buwan ang ipapataw sa mga magulang ng mga batang edad dose anyos pababa.
Kaakibat ng curfew ang pagtugis ng mga otoridad sa mga nagbebenta ng solvent-based products sa mga kabataan.
Ang deriktiba ni Mayor Isko ay kasunod ng kanyang surpresang paglilibot sa ilang bahagi ng lungsod kabilang ang Tondo kagabi kung saan nakita niya ang napakaraming bata na pakalat kalat sa lansangan sa dis-oras ng gabi.
Nagsagawa ng suprise inspection si Yorme Isko sa Tondo makaraang damputin ng mga tauhan ng Manila Police District ang 22 palaboy na kabataan na nasangkot sa riot.