Curfew ng mga LGU sa Metro Manila para sa mga kabataan, ipapatupad din ng PNP

Inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar sa mga pulis sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) para sa pagpapatupad ng curfew sa mga kabataan.

Ito ay matapos ang desisyon ng national government na itigil na ang pagpapatupad ng uniform curfew hours sa Metro Manila mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng umaga, simula ngayong araw.

Paliwanag ni Eleazar, mayroon pa rin mga kani-kaniyang lokal na ordinansa ang mga LGU na nagtatakda ng curfew sa mga menor de edad.


Kailangan aniyang malinaw sa mga local police ang mga patakaran ng kani-kanilang LGU, upang maayos na maipapatupad ang mga curfew ordinance.

Siniguro naman ni Eleazar na sa kabila ng pagpapatigil ng uniform curfew, patuloy ang pagpapatrolya ng mga pulis kontra sa kriminalidad.

Magkakaroon din aniya ng adjustments sa deployment ng mga pulis bilang konsiderasyon sa mas mahabang oras ng pagbubukas ng mga mall ngayong panahon ng Pasko.

Facebook Comments