Curfew violator na nasawi matapos mag-push up ng 300 beses, pinasisilip ng Bayan Muna sa Kamara

Pinaiimbestigahan ng Bayan Muna Partylist sa Kamara ang pagkamatay ni Darren Peñaredondo na pinagpush up ng 300 beses bilang parusa sa paglabag sa curfew sa General Trias sa Cavite.

Sa House Resolution 1697, inaatasan ang House Committee on Human Rights na magsagawa ng pagsisiyasat “in aid of legislation” kaugnay sa pwersahang pagpapa-push up ng mga pulis ng 300 beses kay Peñaredondo bilang parusa sa pagsuway nito sa curfew hours.

Ayon kina Bayan Muna Partylist Reps. Carlos Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite, mahalaga na maipagtanggol ng mga myembro ng Kongreso ang karapatan ng mga Pilipino at suriin kung may pagmamalabis ba sa parusang ipinapataw sa mga lumalabag ngayong nasa krisis ang bansa.


Nakasaad sa resolusyon na lumabas si Peñaredondo ng bahay para bumili ng mineral water at dito siya nahuli ng mga tanod ng Barangay Tejero at dinala sa General Trias Police Station.

Mababatid na sinabi ng live-in-partner ng biktima na si Reichelyn Balce na dinala si Peñaredondo at ang iba pang curfew violators sa plaza sa harap ng municipal office at pinagpush up ng 100 beses at pinaulit-ulit pa ito hanggang umabot ng 300 beses.

Nakauwi umano si Peñaredondo sa bahay ngunit hirap na ito makagalaw at inatake na rin ng seizure.

Bagamat itinatanggi ng pamunuan ng General Trias Police ang alegasyon at iginiit na community service lang ang parusa sa mga lumalabag sa curfew, lumalabas naman sa death certificate ng biktima na ito ay nasawi sa stroke dahil sa hypertension at posibleng dahilan ng atake sa puso ay excessive physical activities.

Facebook Comments