Curlee Discaya, ipina-cite in contempt ng Blue Ribbon Committe; asawa nitong si Sarah Discaya, inisyuhan ng show cause order matapos hindi dumalo sa pagdinig ng Senado

Ipina-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya habang iisyuhan naman ng show cause order ang asawa nitong ni Sarah Discaya matapos na hindi humarap ngayon sa pagdinig tungkol sa mga maanomalyang flood control projects.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig patungkol sa mga maanomalyang flood control projects, sinabi ni Curlee Discaya, asawa ni Sarah, na hindi makakadalo ang kanyang maybahay sa imbestigasyon dahil sa iniindang heart condition.

Subalit nang basahin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson ang liham na ipinadala ni Sarah sa komite, lumalabas na hindi ito makakadalo sa pagdinig dahil sa pulong ng kanyang kumpanya ngayong araw at ikinatwiran pa na manggagaling pa sa malalayo at iba’t ibang lugar ang kanyang mga empleyado kaya hindi niya ito makakansela.

Dahil dito, sinita nina Senator Kiko Pangilinan at Erwin Tulfo na nagsisinungaling si Curlee dahil iba ang sinasabi nito sa nakasaad sa liham ng kanyang asawa kung bakit hindi makakadalo sa pagdinig.

Ipinunto naman ni Senator Jinggoy Estrada na hindi katanggap-tanggap ang excuse letter ni Sarah dahil national interest ang nakataya rito kaya huwag bababuyin at lolokohin ang pagdinig ng Senado.

Gayunman, sa kabila ng paghingi ng pasensya ni Curlee Discaya na wala siyang intensyon na magsinungaling, hindi ito umubra sa mga myembro ng komite at tuluyan siyang ipina-cite in contempt dahil sa pagsisinungaling.

Samantala, nagdesisyon naman ang komite na paisyuhan muna ng show cause order si Sarah Discaya bilang pagsunod sa due process at dito’y pagpapaliwanagin kung bakit hindi siya dapat i-contempt ng Blue Ribbon Committee.

Facebook Comments