Iginiit ni Dept. of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na dapat munang umalis sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Senator Manny Pacquiao bago batikusin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Cusi ay vice chairperson ng PDP-Laban.
Sa isang TV interview, sinabi ni Cusi na na nakakalungkot na inaakusahan ni Pacquiao na acting president ng kanilang partido si Pangulong Rodrigo Duterte na chairperson ng kanilang partido.
Aniya, kung hindi gusto ni Pacquiao ang inaaniban niyang partido ay dapat na siyang umalis.
“If you don’t like your house… if you don’t like the company you’re working for, don’t say something about it. Lumayas ka muna, bago mo sunugin ang bahay mo,” ani Cusi.
Itinanggi naman ni Cusi na plano nilang alisin si Pacquiao sa pagiging presidente ng PDP-Laban sa pulong na gagawin sa July 17.
Matatandaang hinamon ni Pangulong Duterte si Pacquiao na patunayan ang alegasyon ng katiwalian sa ilang sangay ng kaniyang pamahalaan.