Customer, kinansela at itinapon ang order sa rider dahil na-late ng delivery

Photo from Pilipinas Trending Viral Facebook page

CEBU CITY – Hindi na nga nabayaran, nabato pa. Ito ang kalunos-lunos na sinapit ng isang delivery boy sa kamay mismo ng customer matapos umanong ma-late ng ilang minuto.

Ibinahagi ng Pilipinas Trending Viral ang karanasan ng hindi pinangalanang rider noong  Sabado na umani ng 76,000 reactions at 103,000 shares sa Facebook.

Ayon sa post, dumating na sa lugar ang food delivery boy nang bigla umanong kanselahin ng isang nagngangalang “Mary Paras” ang order nito na nagkakahalagang P800.


Dahil nanghihinayang sa inabonong pera, nagmakaawa ang rider kay Paras na tanggapin ang pagkaing ipinabili pero imbis na pagbigyan ay itinapon daw ng pasaway na customer ang order sa trabahante.

“Nag tiyaga si kuyang rider sa pila, inabonohan, nakipagsapalaran sa kalsada at sa virus tapos ganito lang sasapitin ni kuya hindi man lang naawa sa tao pati pagkain inaksaya lang,” pagpapatuloy ng uploader.

Humingi naman ng paumanhin ang babaeng customer matapos mag-viral sa social media ang insidente.

Paglilinaw ni Paras, wala raw siyang intensyon na manloko ng tao lalo na’t nahaharap ang karamihan sa pagsubok dulot ng pandemya.

“Yung nangyari noong una nag order ako pero nagloloading po at matagal yung net at data sa app, di ko po namalayan na naorder na pala iyon at nadalawa na pala yung order ko,” bahagi ng Facebook post niya sa Cebu Social Media.

Nakipag-ugnayan na raw siya sa food delivery boy at nangakong ibabalik ang perang inabono nito.

From Cebu Social Media Facebook page
Facebook Comments