Customs Comm. Leonardo Guerrero, kinasuhan ng mga broker sa Ombudsman

Patong-patong na kaso ang isinampa ng mga license Customs broker sa Ombudsman laban kay Commissioner Leonardo Guerrero matapos kanselahin ang kanilang mga lisensya.

Mga kasong administratibo at kriminal na may kinalaman sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Conduct prejudicial to the best interest of the service, Grave Misconduct at paglabag sa Section 3e ng RA 3019 ang isinampa ng Chamber of Customs Brokers Incorporated sa Ombudsman.

Base sa nilalaman ng kanilang reklamo, hindi umano dumaan sa due process ang ginawa niyang pagkansela sa lisensya ng may 165 na mga license Customs brokers.


Ginawa raw ni Guerrero ang pagkansela ng kanilang accreditation nang wala man lang abiso o warning.

Nalaman lang daw nilang kanselado ang kanilang mga accreditation sa pamamagitan ng email na ipinadala sa kanila ng BOC.

Sinabi ni Adonis Carmona, pangulo ng mga license Customs brokers, humingi sila ng dayalogo kay Comm. Guerrero ngunit hindi raw sila pinansin.

Makailang beses din daw silang nagpadala ng sulat sa tanggapan ng BOC Commissioner ngunit wala rin daw sagot.

Sa huli, umaapela sila sa Malacañang na pakinggan ang kanilang hinaing at ibalik ang kanilang lisensya para makapaghanapbuhay.

Facebook Comments