Manila, Philippines – Mismong si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang nagbigay ng mensahe sa Senado na handa itong magpahuli ngayong araw.
Ito’y matapos siyang ipacite-in contempt ng Senado dahil sa ilang beses na hindi nito pagdalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa P6.4 bilyong pisong halaga ng shabu shipment na nakalusot sa Customs.
Paglilinaw naman ni Sen. Richard Gordon, nasa bahay ni Faeldon ang arresting team ng Office of the Sergeant at Arms hindi para arestuhin ang dating commissioner kundi para kunin lamang ang commitment nitong dadalo na siya sa pagdinig sa Lunes, September 11, 2017.
Pero – kapag hindi nila nakuha ang pangako nitong dumalo sa Lunes ay dito na sila mapipilitang arestuhin ito.
Sabi ni Gordon, marami pa silang gustong malaman kay Faeldon kaya ikinadismaya ng komite ang hindi nito pagsipot sa mga nagdaang hearing.
Sa Lunes, kabilang sa aalamin ng komite kay Faeldon ang tungkol sa mga ibinunyag ni Senator Ping Lacson na ilang opisyal sa ahensya ang tumatanggap ng tara o lagay.