Binuo ng Bureau of Customs (BOC) ang sarili nilang Customs Firearms and Explosives Unit (CFEU) sa ilalim ng Customs Memorandum Order (CMO) No. 27-2022.
Ang nasabing unit ang naatasan na i-monitor and importation at exportation ng mga firearms at major/minor nito, mga accessories, ammunition, at mga controlled chemicals na ginagamit sa paggawa ng ammunition, paputok, at pampasabog sa ilalim ng Presidential Decree No. 1866.
Bukod dito, sakop din ng CFEU ang pagpapatupad ng mga polisiya at proseso na may kaugnayan sa Republic Act No. 10591 o ang “Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions and Providing Penalties for Violation Thereof.”
Ang mga piling tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) na nakatalaga sa 17 ports of entry ang siyang magiging mga contact persons na makikipag-ugnayan at makaka-trabaho ng CFEU kung saan makakatuwang din nila ang ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ang bagong tatag na unit ay sasailalim sa pangangasiwa ng ESS-Enforcement Group (EG) ng BOC.
Ang pagtatatag ng CFEU ay parte ng seven priority programs ng BOC sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, base na rin sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mapigilan ang smuggling sa bansa kasabay ng pagtitiyak ng kaligtasan at kapakanan ng publiko.